Saturday, March 24, 2012

Juris plus Cha Cha Equals Kilig times Tawa

I really do love ASAP Sessionistas. Pag linggo na, at ASAP na, ang segment na to ang isa sa hinihintay ko.

Ang ASAP Sessionistas ay parang isang ”halo-halo”, marami ang sangkap, pero iisa ang timplang malalasahan. Masarap. Iba ibang genre man ang mga sangkap, magkaiba man sa lasa o sa texture, hindi magiging buo kung wala ang isa. They complement each other, perfect combination kung baga.

Ang ASAP Sessionistas ay isang “halo-halo”. Masarap. Nakakarelax. Malamig sa pakiramdam. Nakakapawi ng uhaw lalo pa’t sa mainit na tanghali ng tag-araw.

Kaya naman, tuwing may pagkakataong makapunta sa mga Album Tours nila, susugod talaga ako.

Sinadya kong umuwi kahapon ng hapon, dahil ang isa sa mga favorite Sessionistas ko ay pupunta ng Robinsons’ Starmill Pampanga para sa Album Tour.

Si Juris.

Kahit panahon, hindi ako mapipigilan. Sobrang init ng marating ko ang lungsod ng Maynila bandang 2PM, pero pagdating ko ng 4PM sa bayang sinilangan, Pampanga, ay napakalakas naman ng buhos ng ulan.
Bumaba ako sa SM, dahil doon ang babaan ng mga bus. At sa lakas ng ulan at basang kalsada, hindi kakayanin ng suot kong espads na gawa lang sa tela. (At hindi rin pupwedeng lumipad sa pagkakataong ito, maraming tao.) Kaya naman, pumasok muna ako ng SM para bumili ng flipflop ulit. (Bakit ulit? Abangan sa susunod kong post.) At ako’y nakabili.

5PM ang nakasulat sa banner, pero kahit 4:30PM palang, lumipat na ako ng Rob. Para makakuha ng magandang pwesto. Pero pagdating ko, nasa kalagitnaan na ata ng program. Oo, kumakanta na si Juris. Pumwesto ako sa may gilid ng stage. Sumingit singit. Hanggang sa makapunta sa may unahan. Walang sawang picture. Nagvideo din.

Ang galing talaga ni Juris! Napakalinis at napaka-smooth talaga nyang kumanta. Effortless. Kinilig ako lalo nung kinanta na nya yung ”Minsan Lang Kita Iibigin” sinundan pa ng kantang ”Di lang Ikaw”. Buti na lang naisipan kong pumunta na dahil kung hindi, hindi ko maaabutan, gaya ng mga kapatid ko, na kumakanta na si Juris eh nagtetext pa na papunta palang sila. Inabangan din nila ang araw na to para mapanuod, pero nabigo sila, pag dating nila, autograph signing na. :P

Nagpadagdag sa kilig at saya ko nung biglang lumabas ang isang familiar na mukha, na parang nakita ko na sa Twitter. Tama! Si DJ ChaCha chupchupera nga ang naghost ng Album tour ni Juris. Kung si Juris never fails to make us ”kilig”, si Cha naman never fails to make us “humagulgol sa kakatawa” :D

Pag may pagkakataong magpuyat, nagpupuyat talaga ako mapakinggan lang ang segment ni ChaCha sa 101.9. Nakakaaliw. Nakakatuwa. Ang bawat banat nya, tumatama, tumatagos sa puso. Hindi sya gaya ng ibang DJ, may masabi lang OK na. Si Cha, (Cha lang talaga? Oo Close kami, di ba Cha? Nagpapicture, kinawayan at ngitian mo ko sa may gilid ng stage sa Album tour ni Juris, remember? :D).

Si Cha, ang bawat sinasabi ay parang Century Tuna, malaman. Parang sentence, may thought at laging may point. Oo, isa akong proud fan ni Cha, kaya naman, finollow ko agad agad sa twitter. Sa pag-asang mamention din ako (sa @princejuno) kahit isang muah muah chup chup lang ni Cha. Makukumpleto na araw ko. :)

Balik kay Juris, baka magselos na kay Cha. Hinintay kong maubos ang pila ng mga nagpapaautograph, para magbakasakaling makapagpa-autograph din. Mapa-autograph ang bag na dala ko. Ang bag na may autograph na ni Princess, isa sa favorite sessionistas ko din. Nang malapit ng maubos ang pila, kinausap ko ang mga bantay sa stage para ipaautograph ang bag na suot ko. Sa kasawiang palad hindi sila pumayag. Ilang pilit ang ginawa ko. Hindi pa rin.

Pumunta ako sa harapan ng stage at kinawayan si Juris, habang nagpipicture sa ibang fans. Lumingon sya sa akin at ngumiti. Hindi ko pinalagpas ang pagkakataong yun, binuhat ko ang bag ko at tinuro sa kanya. Sabay sigaw, “Juris, Pa-autograph! :)”

Nang matapos ang ibang mga fans sa pagpapaautograph at picture, medyo nalungkot ako na baka hindi ko makuha ang inaasam-asam na autograph mula kay Juris. Patayo na sya. Paalis na yata. Pero laking gulat ko nung narinig ko sa kanya, “Pakikuha yung bag ni Kuya”. Tinawag ako ng P.A. at inabot ko sa kanya yung bag, mabilis pa sa alas-kwatro.

Walang mapaglagyan ang ngiti at saya ko ng mga oras na yon. Kahit hindi ako nakabili ng CD, (dahil may copy na ako) sa bait ni Juris, pinagbigyan ang munti kong kahilingan. :)

Sobrang saya ko nung pinipirmahan na nya ang bag ko gamit ang kaliwang kamay nya. Nabasa ni Juris ang autograph ni Princess kaya nailagay nya din ang name ko kahit hindi ko sinabi. :)

Kaya, I dedicate this post to Juris and DJ Cha Cha, bilang THANK YOU ko sa kasiyahang binigay nila sa nagiisang bampiranghel na fan nila. :)

Heto ang ilan sa mga kuha ko mula sa side ng stage. :)


Juris while singing "Minsan Lang Kita Iibigin". 

DJ Cha Cha while hosting Juris Album tour.

My bag, with autographs of Princess and Juris of ASAP Sessionistas.
:)



No comments:

Post a Comment